May kumita sa pagpapaliban ng halalan

Print

KAMAKAILAN ay may mga ulat na lumabas na ilang mga indibidwal at grupo ang nagiikot sa ibat-ibang bahagi ng bansa at ipinamamalita na hindi matutuloy ang nakatakdang halalan para sa Sangguniang Kabataan at mga opisyal ng barangay ngayong Mayo.

Nagpapakilala ang mga nasabing mga grupo na mga tauhan daw sila ng pamahalaan at sinasabing sa halip mag-eleksyon ay mag-a-appoint na lang si Pangulong Digong ng mga uupong bagong mga opisyal.

Ang modus nila ay sasabihin nila sa mga kandidato na kung gusto nilang makapuwesto ay kailangan nilang magbayad sa kanila para maisama ang pangalan sa listahan ng mga bagong opisyal.

Para mas lalo pang makumbinsi ang mga biktima nilang kandidato ay nagpapakita pa raw ang mga dorobo ng mga ID at mga litrato na kasama ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Ayon sa ating mga source ay hindi bumababa sa P75,000 kada isang kandidato ang hinihingi ng mga raketero depende pa sa posisyong nais makuha ng mga biktima.

Medyo marami na rin ang mga lugar na naikutan ng mga miyembro ng sindikato kaya naman kung iisipin ay milyon-milyon na ang kinita ng mga dorobong ito.

Mabuti naman at tuluyang inanusyo ng palasyo sa pamamagitan ni presidential spokesperson Harry Roque na tuloy na ang halalan sa Mayo.

Malaking dagok ang anunsyong ito sa mga mandurugas sapagkat hanggang sa ngayon ay nagiikot-ikot pa rin ang marami sa at naghahanap ng mabobola nila.

Lumalabas na nagsimulang mag-ikot ang mga grupong ito nang magpalabas ng isyu ang ilang taga-oposisyon tulad ni Sen. Franklin Drilon na nagsabing malamang na hindi matuloy ang halalan.

Ani Drilon, plano raw  kasi nang pamahalaan na ipagpaliban ang halalan para isabay na lang sa panukalang plebisito para sa isinusulong na federalism ng pamahalaan.

Hindi rin nakatulong na naghain pa nang panukala ang ilang maka-administrasyong kongresista tulad ni Rep. Johnny Pimentel  para sa pagpapaliban na naman ng nasabing halalan.

Subalit mismong si Senate President Aquilino Pimentel III na ang nagsabi na hindi na papayagan ng Senado ang pagpapaliban ng halalan kaya kung sino man ang magsasabi na hindi ito matutuloy ay tiyak nagsisinungaling.

Matatandaan na dalawang beses ng ipinagpaliban ang eleksyon sa desisyon na rin ni Pangulong Digong noong Mayo 2016 at Oktobre 2017, dahil na rin sa paniniwalang marami sa mga kandidato ay mga tauhan ng mga sindikato ng droga.

Ang problema ay pinagkakakitaan nga ang mga postponement na ito ng mga dorobong matatalino na nagbebenta ng mga posisyon kuno.

Pero dahil sa anunsyo nina Roque at Pimentel ay nabuking ang mga mandurugas at ngayon ay tiyak na hahabulin na sila nang mga nabiktima nila.