PRICE CONTROL SA BIGAS

Print

MABUTI naman at mukhang natauhan na ang mga responsableng opisyal ng pamahalaan at naisip na nila ang pinakamabisang panlaban para pigilan ang walang patumanggang pagtaas ng presyo ng bigas sa  mga pamilihan.

At ang armas na gagamitin ng gobyerno para mahinto na ang pagsirit ng presyo ng bigas ay ang pagpapatupad ng price control sa nasabing produkto. 

Sa bagong patakaran na ipatutupad bago matapos ang buwan ng Oktobre ay apat na lamang ang magigiging variants o klase ng mga bigas na ibebenta sa mga palengke.

Nagkasundo na ang Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA) at Department of Trade and Industry (DTI) para ipatupad ang price control sa bawat isang rice variety.

Sinabi mismo ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na ang apat na variant ay nahahati sa mga kategorya ng imported, regular local, well-milled at whole grain na mga klase ng bigas.

Subalit nilinaw ni Pinol na hindi nila isasailalim ang mga fancy rice na jasmine at japanese kaya ibig sabihin ay puwede pa ring tumiba ang mga negosyante sa nasabing mga variety.

Sa kasalukuyang presyo sa merkado ay pumapalo ang halaga ng commercial rice mula P54 hanggang P66 kada kilo samantalang ang jasmine at japanese ay umaabot na mula P90 hanggang P110 kada kilo.

Kaya kung kayang maibaba ng gobyerno mula P36 hanggang P44 kada kilo ang commercial rice ay malaking tulong ito sa ating mga kababayan.

Sinabi ni Piñol na gusto nilang ibenta ang imported rice sa P38 kada kilo, at P39 kada kilo para sa regular local rice, samantalang P42 kada kilo ng well-milled rice at P44 kada kilo ang whole grain rice. 

Ang sinumang magbebenta ng higit sa 10 porsiyento itinakdang margin sa SRP ay maaaring makulong ng hanggang 15 taon at multa na hindi bababa sa P1 milyon base na rin sa Price Act of 1992.

Sa totoo lang ay dapat matagal ng ginawa ito ng gobyerno upang sa ganoon ay hindi naging malaking factor ang mataas na presyo ng bigas sa pagsipa ng inflation rate.

Tulad ng alam na nating lahat ay kontrolado nang rice cartel sa suplay ng bigas sa bansa kaya naman kontrolado rin nila ang presyo nito.

Kaya naman dahil sa desisyon ng gobyerno na magkaroon ng price control ay tiyak na maitatali na rin ang kamay ng rice cartel sa pagdikta ng presyo sa merkado.